Sunday, May 24, 2009

ANG SAPATOS NI JAM


Sa wakas ay nakabili na rin kami ni Jam, ang pang-apat at tanging babae sa aking mga anak, ng sapatos na itim na gagamitin niya pagpasok. Unang taon niya na sa hayskul. Naglibot kami sa ilang mall sa Marikina na katabi lang ng Proj. 4, Lungsod Quezon, kung saan kami nakatira. Magsinglapit lang ang Marikina at ang Cubao mula sa amin. Ang pinakamalaking sukat ng sapatos na pambabaeng pampasok sa iskuwela ay kadalasang nasa 9 o 10 lamang. May sukat na 11 daw nguni't hindi husto sa sukat. Ganoon ang nabili kong sapatos sa isang mall sa Makati na malapit sa aking pinapasukang opisina. Isang beses lamang naisuot ni Jam ang sapatos - noong araw ng pagtatapos niya sa mababang paaralan.

Noong bata pa ako, naranasan kong pagsuotin ng sapatos na goma sa pagtulog. Para raw hindi lumaki ang mga paa ko, sabi ng aking mga magulang. Sa mga Intsik daw kasi ay kaugalian na ang pinagsusuot ng bakal ang mga batang babae upang mapigilan ang paglaki ng mga paa. Hindi ako komportable sa ganoong kalagayan kung kaya't di nagtagal ay hinubad ko rin ang sapatos na goma. Kahit na magalit pa ang aking ama ay hindi na ako natulog nang nakasapatos simula noon. Malaki ang aking mga paa na sa tingin ko ay bagay lamang sa aking taas at laki. Sa edad na labintatlong taon ay limang talampakan at limang dali na ako. Ngayon ay naging pito ang dating lima at may timbang akong humigit-kumulang na animnapu't limang kilo. "American size" daw ang aking mga paa. Unang taon ko rin sa hayskul noong ipinagpagawa ako ng sapatos ng aking mga magulang. Mabuti na lang at nakahanap kami ng Gregg na sapatos ilang buwan pagkatapos noon. Gregg na ang sapatos ko hanggang makapagtapos ng hayskul. Gregg ang isinusuot noon ng halos lahat ng kaiskuwela ko hanggang sa mauso ang Otto para sa mahihilig sa pambabaeng disenyo ng sapatos.

Napagod kami ni Jam sa paghahanap ng sapatos na sukat sa paa niya. Nang magdesisyon akong humanap na lamang ng itim na sapatos na goma ang suwelas. Mas mahal kaysa sa karaniwang itim na sapatos na nabibili sa department store ang World Balance na sapatos na napili ni Jam nguni't rasonable naman ang Php 1,199.00 na halaga nito dahil hindi na magpapaltos ang mga paa ng anak kong nagmana ng haba ng paa at ng pagkamatangkad ko.

0 comments: