Hindi pa pala ako makakapagtrabaho. Bilin ng doktor ko na magpahinga muna. Bawal ang matamis (lunok), bawal ang magsalita nang magsalita (inbound calls ang hawak ko at siguradong matutuwa ang mga anak ko), bawal ang mani at kahit anong nakapagpapakati ng lalamunan (pahinga muna sa adobong mani). Sa dami ng gamot na iniinom ko ngayon, pakiramdam ko ay naospital ako. Pinakamahal na gamot ko ay ang clarithromycin na isang uri ng antibiotic.
Para akong talunan sa isang laban. Ilang katotohanan ang kailangan kong harapin. Una, hindi na ako kasinglusog ng dati. Ikalawa, kailangan kong uminom ng gamot upang gumaling. Ikatlo, may mga panahong ayaw kong lumiban sa trabaho pero kailangan. (wala pa akong leave) Ikaapat, bawal ang magkasakit kapag wala kang health card. (Dating may health card ako sa kumpanyang kaugnay ng pinapasukan ko ngayon. Kung palaring maging permanente sa bagong trabaho, magkaka-health card uli ako.) Ikalima, kailangang magbadyet ang solong magulang pero hindi puwedeng ikompromiso ang kalusugan ko dahil ako lang ang kumikita sa pamilya.
Carbocisteine, sinutab at celestone ang iba pang gamot na iniinom ko. Ang mga ito ay para sa ubo, baradong sinuses at pangontra sa allergic reaction. Ang diyagnosis ng doktor - nasopharyngitis at laryngitis. Takot pa naman ako sa lahat ng bagay na may itis.
Katatapos lang ng pagpapabakuna laban sa ibang uri ng flu. Anim kami ng mga bata na nabakunahan. Ibabawas ang bayad sa gamot sa aking sahod. Sabi ng doktor ko, maaaring reaksiyon ng katawan ko sa bakuna ang pagkakasakit ko ngayon.
Anupaman ang dahilan ng sakit ko ngayon, ipinagdarasal kong iligtas sana kaming lahat sa swine flu. May baong tig-iisang maliit na bote ng 70 percent solution na alkohol ang aking mga anak sa pagpasok sa unang araw ng Hunyo.
Ibayong pag-iingat ang kailangan ngayong panahong ito.
photo by paperchild on flickr




0 comments:
Post a Comment