Friday, May 22, 2009

SALOOBIN NG ISANG SOLO PARENT

Noong Linggo, tumuntong ako sa edad na 43. Ilang buwan na ring hindi ako nakapagtatala. Inakala kong hindi na ako muling makapagsusulat ng saloobin. Sinubukan kong mamasukan bilang manunulat para sa isang ensayklopedya online pero hanggang sa ngayon ay hindi ko pa natatapos ang assignment ko. Mahirap palang pagsabayin ang pagtipa sa kompyuter sa opisina at pagtipa sa personal na kompyuter ko sa bahay. Inasam-asam kong makapagsulat subali't tila inubos na ng paghahanapbuhay sa call center na pang-araw ang lahat ng aking lakas. Ilang linggo nang namamanhid ang kanang bisig ko. Nagpamasahe na ako ng dalawang beses simula noong una kong maramdaman ito pero wala pa ring nangyayari. Dahil dito ay hindi muna ako tumipa sa personal kompyuter ko. Ngayon na lamang uli.

Noong kabataan ko, hindi ko inisip na hihina ang aking katawan. Hindi ako sakitin. Hirap akong tanggapin sa ngayon na kaakibat ng pagtanda ang paghina ng pangangatawan. Maaaring maging malusog ang isang 43 anyos subali't dala ito ng ibayong pag-iingat sa sarili bukod sa kanyang naturalesa.

Paano iingatan ng isang tulad ko na solong magulang ang aking sarili? Gusto ko mang maragdagan ang kita ko upang maitaguyod ang aking limang anak, mahirap pala itong gawin.

Nakakahapo ang klase ng trabahong pinasok ko pero ipinagpapasalamat kong may pinagkakakitaan ako at hindi kailangang mamalimos para sa pagkain ng aking pamilya.

Nakapag-enroll na ang tatlo sa aking mga anak. Baka hindi makapag-aral ngayong taon ang isang anak ko dahil kulang siya sa ilang requirement. Hindi pa napipirmahan ang kanyang clearance. Ginawa ko na ang aking makakaya subali't parang ayaw naman niyang tulungan ang kanyang sarili.

Napakaraming alalahanin - enrollment, mga gamit sa pag-aaral, swine flu, mga gawaing-bahay, hanapbuhay bukod pa sa pag-aalala sa kaligtasan ng aking mga anak at sa aking pansariling pangangailangan. Maglalabimpitong-taon pa lamang ang aking panganay. Pangarap kong makita ko silang nakakatayo na sa sarili nilang paa balang araw. Nguni't marami pang pagdaraanan ang aming pamilya at sana ay mapagtagumpayan naming lahat iyon. Pangarap kong matuto silang magmahal hindi lamang sa sarili kundi pati na rin sa kanilang kapuwa.

Mamayang gabi ay darating na aking panganay mula sa pagsasanay sa peryodismo. Nagsusulat siya para sa The Laurel, ang kanilang school organ. Sana ay maging responsable siyang mamamahayag at peryodista.

Sana ay kalingain ng Panginoon ang aking kahinaan, palakasin ang mga tuhod kong naruruwag at ibalik ang linaw sa aking mga mata upang makita ko ang Katotohanan.

Ngayong araw na ito, may kapangyarihan akong baguhin ang takbo ng aking kapalaran. Gagamitin ko ang kapangyarihang iyon sa tulong ng Panginoon. Sa gitna ng lahat kong alalahanin, sisikapin kong maging maligaya.

0 comments: