
Dalawang tulog na lang launching na ng special edition ng Si Tatang... ni Ricky Lee. Nakatanggap ako ng e-mail ng imbitasyon para sa paglulunsad ng aklat. Umorder na rin ako dahil may bawas na Php70 sa halaga nito kung oorder ka bago ang launching. Malamang ay hindi na ako makadalo at daanan ko na lang sa bahay niya ang kopya ko dahil hindi pa rin bumubuti ang lagay ko. Nagka-allergy pa ako dahil siguro sa balahibo ni Butchi na kumalat na sa aking silid. Laging dinadala ng mga anak ko ang alaga naming pusa sa kuwarto ko. Sigurado akong hindi dahil sa gamot o sa pagkain dahil ilang araw ko nang iniinom ang mga gamot na nireseta ng doktor. Instant noodles naman ang huli kong kinain kagabi at pag pagkain ang dahilan ng allergy, matagal na ang limang oras para lumabas ang sintomas nito at hindi aabutin ng magdamag.
Noong booksigning ng Para Kay B ni Ricky Lee sa Powerbooks Trinoma, nalaman kong isa sa dahilan kung bakit nagdesisyon si Ricky Lee na muling magpalimbag ng panibagong edisyon ng kanyang aklat ay maraming gustong magkaroon ng kopya nito nguni't wala nang mabili maliban sa ilang tindahan ng 2nd hand na libro. May isang babaeng nakakita ng sipi nito sa isang tindahan. Inialok ito sa kanya sa halagang Php1,000. Hindi ko na maalala sa kuwento kung binili ng babae ang aklat kahit may kamahalan ito. Ang naaalala ko lang ay gusto ni Ricky Lee na makapagpa-imprentang muli ng Si Tatang upang hindi maging mahirap sa sinuman ang magkaroon ng kopya nito.
Sa wakas sa halagang Php450 ay mabibili na ang special collector's edition na ito sa mga sangay ng National Bookstore at Powerbooks mula sa Linggo, Mayo 31, 2009. Singhalaga lamang ito ng mga aklat ng iba pang sikat na nobelista at manunulat na tinatangkilik na karamihan. Kahit pasukan na at kailangang bumili ng mga aklat pang-iskuwela ng mga bata, bibili pa rin ako ng aklat ni Ricky Lee.
Hindi lamang naman para sa sarili ko ang aklat. Napakagandang sanggunian nito para sa mga mag-aaral at sa lahat ng mahilig sa panitikan. Bukod dito ay marami pang idinagdag sa dating nilalaman nito. Maaaring dalhin ang lumang kopya ng Si Tatang. May espesyal na regalo ang makapagdadala nito.
Dadaluhan ang paglulunsad ng mga kilalang tao mula sa pelikula, mga kaibigan ni Ricky Lee, workshoppers, guro at tagahanga. Pumunta lamang sa Linggo, alas tres ng hapon sa Powerbooks Megamall Bldg. A. Kung gusto ng diskuwento, itawag lamang ang iyong order kay Jerry sa 928-9557 / 0929-7849363 / 0917-5331948 o mag-e-mail sa writers.studio12@gmail.com.
photo courtesy of Writers' Studio Philippines




0 comments:
Post a Comment